Nagpapatuloy ang ika-15 pagdinig ng Senate Committee on Women tungkol sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa at ang kaugnayan dito ni dismissed Mayor Alice Guo.
Sa kanilang mga opening statement, binigyang diin ng mga senador na dapat lang imbestigahan ng mga otoridad ng bansa ang impormasyong inilabas sa isang Al Jazeera documentary na isang Chinese spy si Guo Hua Ping o si dating Mayor Alice.
Ayon kay Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada, naalarma siya sa rebelasyon na ito at isa itong seryosong National Security concern.
Iginiit ni Estrada, na kailangan itong imbestigahan at beripikahin ang impormasyong ito.
Sinabi rin ni Estrada na panahon nang amyendahan ang Espionage Law ng bansa.
Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian, na kung totoo man ang report na spy si Guo, nakakatakot na napasok na rin nila ang political system ng Pilipinas.
Dapat na aniya itong magsilbing eye-opener sa pamahalaan tungkol sa kahinaan ng mga sistema ng bansa.
Nagsagawa ng executive session ang komite bilang pagpapatuloy ng ginawa nilang executive session matapos ang pagdinig noong September 24.
Bago ito, ipinahayag ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pag-asa na sa executive session ay isisiwalat na sa kanila ni Guo ang buong katotohanan. | ulat ni Nimfa Asuncion