Sinara na ng Senate Committee on Women ang pagdinig nito tungkol sa mga alegasyon ng pang-aabuso ni Pastor Apollo Quiboloy sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, malinaw para sa kanya ang ginawang pagtangka ni Quiboloy na basagin ang pagkatao ng kanyang mga biktima at paglaruan ang mga ito.
Nagpresenta aniya itong Diyos at unti-unting sinakop ang pag-iisip at katawan ng kanyang mga biktima at inabuso ang mga ito.
Binahagi rin ni Hontiveros na hindi naging madali ang pagsasagawa nila ng mga pagdinig laban sa KOJC leader.
Aniya, nakatanggap ng mga pananakot ang kanilang mga witness maging ang kanyang staff, nagkaroon ng rally sa labas ng Senado, sinampahan sila ng kaso at may iba’t ibang paraang ginawa para hindi dumalo sa pagdinig ng Senado si Quiboloy.
Gayunpaman, hindi aniya sila nagpatinag at itinuloy pa rin ang imbestigasyon.
Pinuri at pinasalamatan rin ng Senadora ang mga victim-survivors na matapang na naglahad ng kanilang mga karanasan at nalalaman.
Nangako ang Senadora na titiyakin nilang mananagot sa batas si Quiboloy para sa mga krimen nito.| ulat ni Nimfa Asuncion