Handa na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makilahok sa gaganaping Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR) sa darating na October 14-18 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Ayon sa DENR, sentro ng talakayan sa naturang conference kung paano magagamit ang satellites, drones, at artificial intelligence (AI) para mabawasan ang epekto ng sakuna (disaster risk reduction – DRR).
Kasama rito ang posibilidad na magamit ang mga teknolohiyang ito para mapalakas ang prediksiyon sa sakuna, kahandaan, at pagtugon.
Ayon kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, magsisilbing plataporma ang APMCDRR para maisulong ang pagtutulungan tungo sa mga solusyon para mabigyang proteksyon ang kalikasan.
Bibigyang-diin din dito ang kombinasyon ng makabagong teknolohiya sa natural-based solutions at traditional practices upang mapangalagaan ang ecosystem mula sa epekto ng klima na matagal na ring hamon sa Pilipinas. | ulat ni Merry Ann Bastasa