Pinangangambahan na maaaring mapurnada ang paggamit sana ng mga digital signature sa pag-transmit ng mga boto para 2025 Elections.
Sa halos 302,000 na mga gurong inaasahang gagamitin ng Commission on Elections (COMELEC) sa halalan, 4,200 pa lamang ang nakapagparehistro para sa digital signature.
Ayon kay COMELEC Chair George Garcia, layunin ng digital signatures na pabilisin at gawing mas ligtas ang proseso ng transmission ng election results.
Ngunit aminado si Garcia na kapos na sila sa panahon para tapusin ang pagpaparehistro na inaasahang natapos na sana sa itinakdang deadline noong September 30.
Gayunpaman, tiniyak niyang sapat na ang machine signature kahit wala pa ang mga digital signature ng mga guro, bagay na sinang-ayunan din ng Korte Suprema sa isang naging desisyon nito.
Dagdag pa rito, patuloy pa rin ang pakikipagtulungan ng COMELEC sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd) upang tugunan ang kakulangan.
Matatandaang ipinakilala ng COMELEC ang digital signatures noong 2022 Elections para sa karagdagang layer upang tiyakin ang authenticity ng election returns mula sa vote counting machines. | ulat ni EJ Lazaro