Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paggamit ng lahat ng posibleng paraan upang maiuwi nang ligtas at on time ang mga Pilipinong naipit sa gulo sa Lebanon at Israel.
“We are now going to evacuate our people by whatever means – by air, or by sea,” ani Pangulong Marcos.
Sa gitna ng mahigpit na schedule ng Pangulo sa ika-44 at 45 ASEAN Summit sa Vientiane, Laos, nagpatawag ng Zoom meeting ang Pangulo, kasama ang mga kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Department of National Defense (DND), at National Security Council (NSC), upang plantsahin ang repatriation efforts na ipatutupad ng gobyerno.
“We are going to evacuate them. But the means of how to do that is something that we still have to determine because it is an evolving situation. So, bantayan na lang natin,” pagbibigay direktiba ng Pangulong Marcos.
Ipinag-utos ng Pangulo ang paggamit sa lahat ng resources ng pamahalaan, para maiuwi ang mga Pilipino sa bansa.
Pinahahanda na rin ng Pangulo ang assets ng Pilipinas malapit sa Beirut, upang sa sandaling mabigyan ng clearance ang bansa, agad na ilalabas ang mga Pilipino doon.
“And, just make all the preparations so that malapit na lahat ng asset natin. Kung may barko tayong kukunin, nandiyan na malapit na sa Beirut na sandali lang basta’t the Embassy gives us the clearance and they say that our people can go, mailabas na kaagad natin so that hindi sila naghihintay ng matagal in danger areas,” ayon sa Pangulo.
Kaugnay nito, nagbigay rin ng update si Defense Secretary Gibo Teodoro kaugnay sa mga clearance na hinihintay ng pamahalaan mula sa Lebanon.
Ayon sa kalihim, agad na uusad ang repatriation efforts, sa oras na makuha na nila ang mga kinakailangang exit clearance.
“We’re ready, willing and able [to repatriate Filipinos] at any time. We’re just waiting for the diplomatic clearances of the expatriates to be processed out of Beirut,” tugon ni Secretary Teodoro.
Kung matatandaan, noong October 6, nagsagawa ng 30 overnight air raids ang warplanes ng Israel sa Timog na bahagi ng Beirut.
As of October 7, wala namang mga Pilipino ang napaulat na nasaktan.
Bilang tugon sa lumalalang tensyon, ang Alert Level ng Pilipinas sa Lebanon, mula sa Alert Level 2 ay ini-akyat sa Level 3, noong Oktubre 2023.
As of October 8, nasa 1,721 applications para sa repatriation ang natanggap ng pamahalaan, kung saan 511 ang napauwi na ng bansa, at nasa 171 pa ang handa nang makabalik sa Pilipinas. | ulat ni Racquel Bayan
📸 PCO