Sang-ayon si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na maimbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa planong ikasang pagidinig ng Senado tungkol sa pinatupad na war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Estrada na mahalagang masama si dating Pangulong Duterte sa imbestigasyon para matiyak ang hustisya at transparency sa ikakasang Senate hearing.
Kailangan aniya ang testimonya ng dating pangulo para masiwalat ang katotohanan at matiyak na maibibigay ang hustisya para sa mga apektadong partido.
Binigyang diin ng senador na mahalagang mabigyan ng boses ang lahat lalo na kung ang layunin ng imbestigasyon ay linawin ang mga hakbang na ginawa ng nakaraang administrasyon.
Pinunto ni Estrada na hindi naman ito ang unang pagkakataon na maiimbestigahan sa Senate inquiry ang mga dating naging pangulo ng bansa.
Tiniyak rin ng Senate President Pro Tempore na sa mga nakaraan ay naipakita na ng Senado ang mataas na lebel na respeto sa mga dating pangulong humaharap sa kanila.| ulat ni Nimfa Asuncion