Target na tapusin ngayong araw ng Manila Electric Company (MERALCO) ang restoration activities sa power lines na naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Ayon kay MERALCO Vice President at Head ng Corporate Communications Joe Zaldarriaga, hanggang kaninang umaga, nasa 6,000 customers na lang ang apektado ng service interruptions.
Mas mababa na aniya ito ng isang porsiyento sa kabuuang bilang ng customer ng MERALCO.
Karamihan sa mga natirang apektado ay mula sa bahagi ng Cavite at Laguna.
Sabi pa ni Zaldarriaga, naibalik na ng MERALCO ang suplay ng kuryente sa maraming lugar na naapektuhan ng nagdaang bagyo.
Tiniyak din nito ang kahandaan ng MERALCO sa pagpasok ng bagong Bagyong Leon.
Samantala, pinakilos na rin ng One Meralco Foundation, ang kanilang mga tauhan para sa pamamahagi ng relief packs at solar lamps sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo. | ulat ni Rey Ferrer