Ngayong araw ng Linggo sa Manila Hotel Tent City, ilang kandidato ang nagsusulong ng kanilang mga panukalang batas kung maluluklok sa pwesto sa 2025 at ilan dito ay patungkol sa paglaban sa vote buying at land grabbing bilang bahagi ng kanilang plataporma sa nalalapit na halalan.
Si Junbert Guigayuma, isang senatorial aspirant mula sa Higaonon tribe ng Lanao del Norte, ay itinutulak ang batas kontra land grabbing at nananawagan ng pagkakaroon ng tribal courts para sa mga tulad niyang Indigenous Peoples (IP) katulad ng mga Shari’ah courts sa bansa. Nanawagan din ito kanina na sa ngalan ng customary pack, hinimok ni Guigayuma ang mga IP na magkaisa at suportahan siya sa darating na eleksyon.
Samantala, ang Unyon ng mga Gabay ng Bayan (UGB) party-list, na nagsasabing hindi sila kumakatawan sa isang partikular na sektor dahil isa umano silang multi-sektoral na grupo, ay nagpapahayag ng intensyon na labanan ang vote buying. Nais din nilang linawin ang party-list law upang hindi ito magamit na political strategy. Ayon sa UGB, mas prayoridad nila ang pag-amyenda ng batas at pagbibigay representasyon sa iba’t ibang sektor, lalo na sa grupo ng Guardians, habang itinutulak nila ang ilan sa kanilang mga adbokasiya na kinabibilangan ng social equity at para sa isang matatag na ekonomiya.| ulat ni EJ Lazaro