Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang magandang hakbang tungo sa pagpapalakas ng depensa ng Pilipinas ang paglagda sa Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Revitalization Act.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni AFP Spokesperson Colonel Francel Padilla na ang SRDP ay napakagandang hakbang tungo sa tamang direksyon na matagal na aniyang hinihintay na maisakatuparan.
Paliwanag ni Col. Padilla, na sa pamamagitan ng batas na ito mas mapapaigting ang kakayahan ng Pilipinas na gumawa ng sarili nitong mga kagamitang pang-depensa.
Sa ilalim ng batas, inaatasan nito ang Department of National Defense (DND) na bumuo ng programa para bigyang prayoridad ang mga lokal na materyales sa paggawa ng mga defense equipment.
Layon din ng naturang batas na palakasin ang defense industry ng bansa, magbigay ng tax exemption sa mga lokal na kumpanya para sa mga inaangkat na materyales na hindi makukuha sa Pilipinas.
Matatandaang nilagdaan kahapon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang SRDP Act. | ulat ni Diane Lear