May paalala ang Commission on Elections-National Capital Region (COMELEC-NCR) sa mga nagnanais maghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa huling araw ng filing nito ngayong araw.
Ayon kay COMELEC-NCR Assistant Regional Director, Atty. Jovencio Balanquit, maghain na ngayong umaga ng kanilang COCs upang maiwasan ang pagkakaroon ng aberya.
Layon nito, ani Balanquit na maayos na makapaghain ng kandidatura ang mga aspirante at maiwasto ang mga minor error sa kanilang COCs o sa Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Kasunod nito, pinag-aaralan na rin ani Balanquit ang paglalagay ng notaryo sa COMELEC-NCR ngayong huling araw ng filing para hindi magahol sa oras ang mga aspirante sakaling may kinakailangang itama sa kanilang COCs.
Kahapon, 17 aspirante sa pagka-kongresista ang naghain ng kanilang COCs kaya’t pumalo na sa 69 ang kabuuang mga kandidato na nagpahayag ng kanilang pagtakbo sa naturang posisyon. | ulat ni Jaymark Dagala