Muling nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ASEAN Plus Three na patatagin pa ang staple food reserves sa rehiyon, upang mas mapaghandaan ang krisis na nagiging banta sa food security sa bansa.
Sa talumpati ng Pangulo sa ika-27 ASEAN Plus Three Summit sa Vientiane, Laos, partikular na binanggit ng Pangulo ang 2024 World Risk Index, kung saan ang Pilipinas ay tinukoy bilang isa sa mga bansa na makararanas ng pinakamalalang impact ng Climate Change.
Sinabi ng Pangulo na makaka-apekto ito sa agrikultura at access sa pagkain ng mga Pilipino.
Ginamit rin ng Pangulo ang pagkakataon upang muling ipahayag ang suporta sa ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR) Agreement. “Thus, I continue to urge APTERR Working Groups to seek ways to strengthen its mechanisms as well as to boost its rice and other staple food reserves to better prepare for emergencies that threaten food security in the region.”
Sinabi din ng Pangulong Marcos na welcome sa Pilipinas ang isinusulong ng ASEAN Plus Three Leaders para sa pagpapa-igting ng connectivity para sa regional supply chains, benepisyo sa pagpapababa ng transportation costs, mabilis na pagtugon sa pagbabago, at pagpapa-igting ng kolaborasyon at innovation. | ulat ni Racquel Bayan