Makikipagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Department of Transportation (DOTr) para talakayin ang mga paghahanda sa papalapit na Christmas Season.
Ayon kay MMDA Chairperson, Atty. Don Artes, kabilang sa kanilang hihilingin ang pagpapalawig ng operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) gayundin ang pagdaragdag ng mga bus sa EDSA Busway.
Layon nito na hikayatin ang mga may-ari ng sasakyan na gamitin ang mass transport system upang makatulong ibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa panahong ito.
Una nang pinulong ng MMDA ang mga mall operator at utilities para plantsahin ang schedule ng mall hours gayundin naman ang pagpapatupad ng moratorium sa paghuhukay ng kalsada.
Inaasahan kasing pagsapit ng Disyembre, aabot sa kalahating milyong sasakyan ang daraan sa EDSA lalo’t kaliwa’t kanan ang mga Sale at Christmas Party. | ulat ni Jaymark Dagala