Nananatili ang pangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patatagin ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ito’y ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA) makaraang maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 1.9 percent na inflation rate nitong Setyembre.
Ayon sa NEDA, ito na ang pinakamabagal na inflation na naitala sa nakalipas na apat na taon matapos bumagal pa ito kumpara sa 3.4 percent noong Agosto.
Nangangahulugan ito ng pinakamababang inflation rate sa 3.4 percent mula Enero hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, inaasahang makapagpapataas sa kumpiyansa ng mga konsyumer ang pagbaba ng inflation kung saan, inaasahang mas marami nang mabibili dahil sa pagmura ng mga produkto.
Tiniyak din ni Balisacan na kanilang ipagpapatuloy ang pagkakasa ng mga istratehiya upang mapanatiling matatag ang presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin. | ulat ni Jaymark Dagala