Muling binigyang-diin ng Commission on Elections (COMELEC) na hanggang alas-5 lamang ng hapon bukas, October 8, tatanggap ang kanilang mga tauhan ng mga Certificate of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination and Acceptance (CON-CAN) para sa kapwa senatorial race at party-list para sa Halalan 2025.
Pero nilinaw ni COMELEC Chairperson George Garcia na kung umabot naman sa itinakdang oras na alas-5 ng hapon ang magsusumite para sa kanilang kandidatura sa loob ng Tent City sa Manila Hotel ay kanila itong tatanggapin at ipoproseso.
Asahan din, ayon kay Garcia, na maaaring gabihin ang pagproseso ng COC at CON-CAN sa darating na araw ng Martes, dahil magpapatuloy ang COMELEC sa pagproseso ng mga dokumento ng mga senatorial aspirants at mga party-list groups and organizations kahit matapos ang alas-5 ng hapon.
Sa huling tala ng COMELEC kahapon sa ikaanim na araw ng COC filing ay may kabuuang 78 senatorial aspirants at 87 mula sa iba’t ibang party-list groups ang naghain na ng kani-kanilang COC at CON-CAN.
Inaasahan naman ng poll body na may kabuuang 160 party-list na maghahain ng kanilang CON-CAN bago matapos ang filing at para makalahok sa gagawing electronic raffle sa October 18 para sa numero sa balota. | ulat ni EJ Lazaro