Plano ng Pinoy Ako Party-list na isulong sa Kongreso ang pagtatayo ng mga paaralang eksklusibo para sa mga Indigenous Peoples o IPs.
Batay sa kanilang pag-aaral, nakita ng grupo ang malaking kakulangan ng pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga marginalized sector, lalo na ang mga katutubo.
Sa pulong balitaan sa Mandaluyong City, sinabi ni Atty. Gil Valera, nominee ng Pinoy Ako Party-list, na layunin nilang maibigay sa mga IP ang de-kalidad na edukasyon na nararapat sa kanila.
Aniya, napakalaki ng agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap pagdating sa edukasyon at trabaho.
Bukod sa edukasyon, ipaglalaban din ng grupo ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang ancestral domain laban sa mga mapang-abusong indibidwal o grupo.
Sa panig naman ng DepEd, sinabing patuloy ang kanilang pagtugon sa pangangailangan ng mga IP sa ilalim ng Indigenous People’s Education (IPEd) Program.
Ayon kay Education Media Relations Chief Dennis Legaspi, batay sa datos ng ahensya noong School Year 2022-2023 mahigit 2.5 milyon ang bilang ng IP learners sa mahigit 1,300 na mga paaralan sa buong bansa. | ulat ni Dianne Lear