Itinuturing ni Manila Representative Bienvenido Abante Jr. na “welcome development” ang naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang humarap sa Quad Committee ng Kamara.
Sa panayam kay Abante, sinabi niya na ang pagpapahayag lang ng dating Pangulo ng intensyon na dumalo sa kanilang pagdinig ay malaking bagay na.
“Sa amin, yung positive intention ng ating dating Pangulo na mag-attend sa aming hearing, welcome development sa amin ‘yun. In my committee, inimbitahan na namin siya although he failed to attend,” ani Abante, co-chairperson ng Quad Committee.
Gayunman, posibleng hindi pa kasama ang dating presidente sa mga iimbitahan sa gagawing pagdinig ng Quad Committee ngayong Biyernes.
Mayroon kasi aniyang ibang mga witness at resource persons ang nakatakda nang humarap sa susunod na hearing.
“But I don’t think he will be invited on Friday kasi mayroon pang ilan na mga witnesses na iimbitahin namin. Sayang naman kung hindi namin mapag-uukulan ng pansin lahat ng inimbitahan namin na witnesses at resource persons,” sabi niya.
Muli namang siniguro ni Abante na bibigyan ng kurtesiya at respeto ang dating pangulo sakaling matuloy ang pagharap sa joint panel. | ulat ni Kathleen Jean Forbes