Sinimulan na ang pamamahagi ng tulong mula sa pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) para sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Kristine sa Sta. Teresita Village Court sa Barangay Malanday, Marikina City.
Ang donasyon ay binubuo ng 33,000 kahon ng family food packs na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng delata, bigas, tubig, gatas, kape, at biskwit na ipapamamahagi rin sa ibang rehiyon na mga apektado ng bagyo.
Personal na pinangunahan ni UAE Ambassador to the Philippines Mohammed Obaid Alzaabi ang pamamahagi kasama sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Special Envoy to UAE Trade and Investments Ma. Anna Kathrynna Pimentel, at Senator Koko Pimentel.
Nakatanggap ng tulong ang 1,000 pamilya na naapektuhan ng bagyo sa Barangay Malanday.
Nagpaabot naman ng pasasalamat sina Secretary Gatchalian at Senator Pimentel sa pamahalaan ng UAE sa kanilang patuloy na pagtulong sa Pilipinas tuwing may kalamidad.
Gaya na lamang noong pagputok ng Bulkang Mayon, landslide sa Davao de Oro, at mga Bagyong Carina at Kristine.
Tiniyak naman ng pamahalaan ng UAE na handa silang magbigay muli ng tulong sa Pilipinas kung kakailanganin.| ulat ni Diane Lear