Aminado ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nagiging pahirapan ang paghabol sa mga iligal na POGO sa bansa, ilang buwan bago ang deadline na ipinataw ng Marcos Administration para dito.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PAOCC Spokesperson Winston Casio na kung ang mga legal na POGO ang pag-uusapan, bumaba na sa higit 30 ang bilang ng mga patuloy na nago-operate, at unti-unti nang nagsasara ng operasyon.
Wala aniyang problema sa mga ito, dahil sumusunod sila sa direktiba ni Pangulong Marcos na ihinto na ang kanilang operasyon sa pagtatapos ng taon.
Ang problema ayon sa opisyal, ang mga iligal na POGO na hanggang sa kasalukuyan, underground pa rin ang operasyon.
Ayon kay Casio, tinatayang nasa 50 hanggang 100 pa ang illegal POGO sa bansa, na hindi pa rin tumitigil sa operasyon.
Kaugnay dito, kailangan aniya ang pakikipagtulungan ng iba pang national government agencies at mga lokal na pamahalaan para sa whole-of-government fight sa POGO.
Samantala, sa ibang usapin, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nasa Singapore ang asawa ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na si Myla Roque.
Paliwanag ni BI Spokesperson Dana Sandoval, September 3 pa nasa Singapore si Myla Roque, habang September 16 naman inilabas ng tanggapan ang Look Out Bulletin para dito.
“Doon po sa ating talaan, sinumite na rin po natin ito sa mga law makers po natin, si Mylah Roque is out of the country since September 3; her lookout bulletin was issued on September 16, so wala po siya bansa sa kasalukuyan. While former Spokesperson Harry Roque has no recent departure as per our records. And mayroon po siyang immigration lookout bulletin which was issued on August 6.” —Sandoval.
Kung matatandaan, lumutang ang pangalan ni Myla Roque bilang isa sa mga nakapirma sa lease agreement ng wanted na Chinese, na nagtatago at iniuugnay sa operasyon ng POGO.| ulat ni Raquel Bayan