Handang-handa ang pamahalaan, upang alalayan at ibigay ang pangangailangan ng Bicol Region, na pinaka-apektado ng pananalasa ng bagyong Kristine sa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Director Edgar Posadas, na nililikom na ng pamahalaan ang lahat ng kakailanganing asset at equipment para sa nagpapatuloy na pagtugon ng gobyerno sa bagyo.
“As we speak po, kinokolekta na po ‘yung mga commitment din ni Secretary Teodoro through the J3 po. In fact, nakita ko na po ‘yung listahan ng mga equipment,” -Posadas.
Pagsisiguro ng opisyal, una nang naka-stand by ang 17 air asset ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa on going relief operations na ito.
Hinihintay na lamang na mabigyan ng go signal kung ligtas nang lumipad, para masiguro rin na hindi malalagay sa alanganin ang buhay ng mga ipadadalang rescuers.
“Mayroon din po tayong 17 na air assets na naka-preposition sa Villamor, naka-preposition sa Cebu, which are readily deployable weather permitting kasi we have to be sure din po that our pilots, our assets are safe. And iyan po ay commitment and we are going to keep it,” -Posadas.
Una nang sinabi ng opisyal, na patungo na sa Bicol Region ang augmentation team at equipment na magmumula sa Southern Luzon Command at Eastern Visayas.
“And as we speak po, dumadating na rin ‘yung tulong sa Bicol. Una sabi ko nga ‘yung galing sa SOLCOM (Southern Luzon Command) which is the area command nearest – ‘yung jurisdiction niya po ‘yung Bicol and Region VIII which is the nearby region from Tacloban,” -Posadas.
Kung matatandaan, una nang ipinagutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-mobilize ang mga kinakailangang asset at rubber boats, kahit mula pa sa Mindanao, at ipadala sa mga lugar na nasalanta ng bagyo. | ulat ni Racquel Bayan