Ipinasa na ni DILG Secretary at dating Cavite Governor Jonvic Remulla ang pamumuno ng Lalawigan kay Governor Athena Tolentino sa flag raising ceremony ng Pamahalaang Panlalawigan nitong Lunes.
Ayon sa Cavite Provincial Information Office, pinangunahan ni Sec. Remulla ang panunumpa ng bagong gobernadora at ang paglilipat ng watawat ng Lalawigan, na nagsilbing simbolo ng pagpapasa ng kapangyarihan at mga tungkulin sa bagong lider ng Cavite.
Sa kaniyang talumpati, tiniyak ni Sec. Remulla ang kaniyang suporta sa kasalukuyang administrasyon at sa mga susunod pang mamumuno sa lalawigan.
Tinanggap naman ni Gov. Tolentino ang mga responsibilidad at nangako na ipagpapatuloy ang mga nasimulang programa ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng pamumuno ni Sec. Remulla.
Hiniling din niya ang suporta ng mga empleyado at pinuno ng mga tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan.
Dumalo sa seremonya ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga empleyado, at si DILG Cavite Provincial Director Danilo Nobleza.
Nagsimula ang pamumuno ni Gov. Tolentino sa Cavite noong Oktubre 8.
Si Gov. Tolentino ang pinakabata at kauna-unahang babaeng gobernador ng Cavite. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Lucena