Inihain ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang dalawang panukala para amyendahan ang espionage law.
Sa panukalang ito, papatawan ng parusa ang espionage o spying hindi lang kapag panahon ng giyera ngunit maging sa panahon ng kapayapaan.
Mas mabigat na parusa din ang kahaharapin ng lalabag dito.
Layon aniya nito na tugunan ang pagpasok ng mga dayuhang espiya, lalo na ng mga Chinese, sa government offices, local government units, diplomatic community, at maging pribadong sektor.
Mahalaga aniya ito dahil na rin sa tumitinding girian sa West Philippine Sea at ang napaulat na pagiging espiya ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Sa kaniyang House Bill 10983, aamyendahan ang Article 117 ng Revised Penal Code para gawing krimen ang espionage “in times of peace” o “in times of war.”
Mas mabigat na parusa para sa espionage naman ang laman ng House Bill 10988 kasama ang pagpapalawig sa coverage nito sa ilalim naman ng Commonwealth Act No. 615.
Depende sa matutukoy na acts of espionage maaaring maharap sa sampung taong pagkakakulong at P500,000 na multa ang lalabag, hanggang sa life imprisonment at P2-M na multa. | ulat ni Kathleen Forbes