Pasado na sa committee level ng Senado ang panukalang P2.28 billion ng Presidential Communications Office (PCO) at attached agencies nito.
Sa PCO lang mismo, humihiling ang ahensya ng P2.4 billion pero nasa P713 million lang ang binigay na pondo sa kanila sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program (NEP).
Paliwanag ni PCO Secretary Cesar Chavez, kabilang sa mga paggagamitan nila ng hiling sanang dagdag na pondo ang paghahanda para sa hosting ng Pilipinas sa 2026 ASEAN summit.
Ang PCO kasi ang focal person para sa communications ng 2026 ASEAN summit.
Nilatag rin ni Secretary Chavez ang iba pang mga programa ng PCO…
Kabilang na dito ang Barangay Information Officer Network System na nasimulan na sa Region 6 at 9.
Layon ng naturang programa na mapababa hanggang grassroots o barangay level ang mga impormasyon tungkol sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
Ibinida rin ang radio program na Usapang Agrikultura na ineere sa lahat ng 28 stations ng Radyo Pilipinas sa buong bansa.
Dito tinatalakay ang iba’t ibang isyu sa agrikultura at ang mga programa ng gobyerno, partikular ng Department of Agriculture.
Magkakaroon pa ng hiwalay na pagdinig para sa APO at sa isyu ng pag iimprenta ng passport kung saan iimbitahan rin ang Department of Foreign Affairs.
Tiniyak naman ni Legarda na madadagdagan ang panukalang pondo ng PCO. | ulat ni Nimfa Asuncion