Maghahain si Senador Sherwin Gatchalian ng isang panukalang batas na maghihiwalay sa mga tungkulin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bilang system operator at network transmission provider, upang matugunan ang national security concerns sa bansa.
Naniniwala kasi ang senador na ang system operation ng transmission line ay isang monopolyo na sumasaklaw sa Luzon, Visayas, at Mindanao, at dapat ay nasa kamay ng gobyerno.
Gayunpaman, kinikilala aniya ang pangangailangan para sa kapital na manggagaling sa pribadong sektor kaya’t dapat panatilihin ang pagmamay-ari ng network transmission sa mga pribadong kamay.
Pero sinabi ni Gatchalian, na ang system operator na nagdi-dispatch ng kuryente ay dapat manatili sa gobyerno bilang may tugnkulin itong nakatali sa pambansang seguridad.
Sa planong panukalang batas ng mambabatas, aalisin ang NGCP mula sa pagsasagawa ng tungkulin sa system operations at magbibigay kapangyarihan sa Department of Energy (DOE) na tukuyin kung aling mga bahagi ng Transmission Development Plan (TDP) ang itatayo, at kung alin sa mga kritikal na proyekto sa imprastraktura ng transmission ang maaaring ipagkatiwala at isagawa ng mga third party.
Ang amendments na ito ay naglalayong tugunan ang mga pagkaantala sa pagbuo ng imprastraktura ng grid, at bigyan ng insentibo ang NGCP na mapabuti ang construction efficiency. | ulat ni Nimfa Asuncion