Umapela si Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan sa Senado na talakayin at pagtibayin na ang panukalang Pondo Para sa Pagbabago at Pag-Asenso o P3 Program.
Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan ng murang pautang na ito ay mailalayo na ang mga micro entrepreneurs mula sa mapagsamantalang loan sharks at “five-six.”
Salig sa panukala, magbibigay ito ng kapital sa mga maliliit na negosyo na may mababang interes at walang collateral.
“Mga maliliit na negosyong may sapat na kita at may oportunidad na lumago. This is what we envision in pushing for the swift passage of the bill institutionalizing the government’s Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso or P3 Program,” saad ng mambabatas.
Dagdag pa ng kinatawan na kapag may oportunidad na lumaki ang kita, may oportunidad din na lumago pa ang maliit na negosyo at kumuha ng dagdag na mga empleyado, kaya’t dadami ang mabibigyan ng trabaho sa ilalim ng P3 Program.
“We call on the Senate to pass this measure that will benefit micro businesses and small enterprises. Hindi lamang mga Parañaqueño at mga Bicolano ang mabebenepisyuhan ng panukalang batas na ito kundi maging ang mga kasalukuyan at mga aspiring micro and small entrepreneurs sa iba’t ibang panig ng ating bansa” dagdag pa niya.
Papatawan ng hindi lalagpas sa 1% na interes kada buwan ang mga benepisyaryo na mangungutang direkta sa P3 habang hindi naman dapat hihigit sa 2.5% ang interes kada buwan para sa mga mangungutang sa pamamagitan ng partner financial institutions.
Sa kasalukuyan, ang P3 Program ay ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Small Business Corporation (SBC). | ulat ni Kathleen Jean Forbes