Isa sa mga unang naaapektuhan sa mga epekto at pagkaantala na nararanasan bunsod ng pagbabago ng panahon ay ang mga kababaihan.
Ito ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman ang dahilan kung bakit nais ng Marcos Administration na lumaki ang papel at boses ng mga kababaihan pagdating sa mga usaping mayroong kinalaman sa Climate Change.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng kalihim na isa ang paksang ito sa mga usaping isusulong ng pamahalaan, sa magaganap na International Conference on Women, Peace, and Security, sa Philippine International Convention Center (PICC) sa ika-28 hanggang ika-30 ng Oktubre.
Ayon sa kalihim, mahalaga na kasama sa mga talakayan ng mga polisiya, programa, at iba pang inisyatibo na may kinalaman sa Climate Change maging sa digitalization ang mga kababaihan.
“We want the role of women in climate change and even in digitalization. Alam ninyo po, sa mundo ngayon, iyong climate nangyayari sa atin, most of the disruption po na nangyayari diyan mga kakabaihan po ang nadi-displace kaagad. So, dahil sila po ang mas apektado sa mga ganitong klaseng pangyayari, gusto po natin sila kasama sa lamesa ‘pag pinag-usapan po ang mga ganitong bagay. ” -Sec Pangandaman
Base aniya sa pag-aaral na inilabas ng United Nations, kapag kasama ang mga babae sa pagtalakay ng mga isyu sa lipunan, mas nagkakaroon ng laman ang mga natatapos na kasunduan, at mas tumatagal ang mga dokumentong napagkakasunduan.
“Matagal na po itong study na ito. At sinabi doon sa study na ito na ‘pag kasama ang kababaihan, sa kahit anumang negosasyon, whether climate agreement, peace agreement or anuman, kung anuman iyong mga issues ng Lipunan, mas nagiging may laman ang natatapos nating agreement at mas tumatagal iyong agreement.” -Sec Pangandaman. | ulat ni Racquel Bayan