Nagpasalamat si Speaker Martin Romualdez sa Singaporean government sa kanilang pag-tulong para sa mga biktima ng bagyong Kristine, partikular na dito ang pagdadala ng relief goods ng Singaporean Air Force sa mga lugar na pinaka tinamaan ng bagyo.
Ipinaabot ni Romualdez ang pagpapasalamat kay Singapore President Tharman Shanmugaratnam at Ambassador to the Philippines Constance See sa pagpapadala ng C-130 para matulungang maipaabot ang kinakailangang tulong sa mga sinalanta.
“Nagpapasalamat kami sa pamahalaan ng Singapore, lalo na kay President Tharman Shanmugaratnam at sa kanilang embahadora dito sa Pilipinas, si Ambassador Constance See, para sa kanilang maagap na pagtulong sa ating bansa. Ang tulong na kanilang ipinadala, lalo na ang C-130 aircraft mula sa Singapore Air Force, ay magagamit natin sa mabilis na paghahatid ng relief goods sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo,” sabi ni Speaker Romualdez.
Ayon kay Romualdez, ipinapakita nito ang matatag na bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at Singapore at binibigyang diin din ang kahalagahan ng regional cooperation sa panahon ng krisis.
Giit pa niya na ang tulong mula sa mga kaalyadong bansa tulad ng Singapore ay nagbibigay-lakas sa bayanihan spirit na magtulungan at magkapit-bisig sa pagbangon.
Maliban sa Singapore, kasama rin sa Southeast Asians nation na tumutulong sa relief operations ng bansa, ang Brunei, Malaysia at Indonesia. | ulat ni Kathleen Forbes