Pinahintulutan na ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159 na dumalo si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quibloy sa pagdinig ng Senate Committee on Women bukas ng umaga.
Base sa desisyong ibinaba ni acting presiding Judge Atty. Rainelda Estacio-Montesa, pinagbibigyan nito ang hiling ng kumite na pinamumunuan ni Senadora Risa Hontiveros na padaluhin ng personal si Quiboloy sa Senate hearing.
Nakasaad din dito na inaatasan ang jail warden ng Pasig City Jail at ang hepe ng PNP Custodial Center, Camp Crame, na dalhin at escortan patungong Senado si Quiboloy bukas.
Nasa ilalim ng Pasig City Court ang non-bailable qualified human trafficking case na kinakaharap ni Quiboloy.
Samantala, tumugon na rin ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 106 patungkol sa request ng Senate Committee on Women na dumalo si Pastor Apollo Quiboloy sa pagdinig ng Senado bukas.
Sa liham na pinadala ni branch clerk of court Atty. Kim Arniño, sinabi nitong moot and academic na ang pagtugon sa request ng kumite dahil naglabas na ng desisyon ang Pasig City RTC, na may hawak rin ng ibang mga kaso ni Quiboloy.
Matatandaang noong October 14 nagpadala ng request letter ang Senate Committee on Women ni Senadora Hontiveros sa Pasig City RTC at Quezon city RTC para mapadalo si Quiboloy.
Naghain naman ng oposisyon ang kampo ng religious leader sa inihaing request ng Senate panel noong October 15.| ulat ni Nimfa Asuncion