Pinamamadali na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang preparasyon para sa probisyon ng mga emergency field hospital at mga gamot, na ibababa sa Naga at iba pang lugar sa bansa, na apektado ng Bagyong Kristine.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng Pangulo sa pinakahuling galaw ng bagyo, at sa epektong iniiwan nito sa bansa.
Sa briefing na ibinigay kay Pangulong Marcos ngayong araw (October 24), sinabi ng kalihim na malinaw ang direktiba ng Pangulo, kumilos nang mabilis at mayroong malasakit, sumaklolo sa mga nangangailangan, at suportahan ang mga lokal na pamahalaan sa nagpapatuloy na relief at rescue efforts.
“PBBM’s marching orders are clear: work with utmost urgency and compassion, to rescue those in danger, provide relief for all affected, and make efforts towards the restoration of basic services in all affected areas. Provide all possible support to the LGUs who have struggled against the overwhelming force of this Typhoon.” —Remulla.
Sa ganitong paraan, ayon kay Remulla, agad na maibababa ang tulong na kailangan ng mga biktima ng bagyo.
Deployed na rin aniya ang search at rescue teams ng pamahalaan, at papasok na ng Naga.
Pagsisiguro ng kalihim, on top of the situation na ang pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyong Kristine.
“On his behalf, we assure the Bikolano people that all resources of the national government are being mobilized. No one will be left behind in these difficult times.” — Remulla. | ulat ni Racquel Bayan