Pinangunahan nina Philippine Secretary for Foreign Affairs Enrique Manalo at Thai Foreign Minister Maris Sangiampongsa ang pagsasagawa ng ika-6 na Philippines-Thailand Joint Commission for Bilateral Cooperation (JCBC) kung saan natalakay ang iba’t ibang uri ng kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang JCBC ngayong taon ay nagmamarka rin sa ika-75 anibersaryo ng pormal na diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Thailand kung saan binigyang diin sa naging pahayag ng DFA chief ang pagpapalakas ng kooperasyon ng dalawang bansa sa usapin ng depensa at seguridad, kalakalan, pamumuhunan, at turismo.
Nangako rin ang dalawang bansa sa pagsugpo ng transnational crimes, palakasin ang food security, at isulong ang renewable energy.
Tinalakay rin nila ang mga isyung rehiyonal, kabilang ang krisis sa Myanmar at ang mga usaping may kinalaman sa South China Sea at ang commitment ng bansa sa international law at sa mapayapang resolusyon sa isyu, gayundin ay natalakay ang sigalot sa Middle East kadikit ng proteksyon ng mga migranteng manggagawa roon.
Sa dulo naman ng naging pahayag ni Sec. Manalo, kanya muling ipinaabot ang naging imbitasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Thai Prime Minister Paetongtarn Shinawatra na bisitahin nito ang Pilipinas. | ulat ni EJ Lazaro