Nagpahayag ng suporta ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa hirit na mabawasan ang kontribusyon para sa mga miyembro nito.
Kasunod ito ng pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na kayang ibaba ang mandatory contributions ng miyembro dahil sa mahigit P500-B reserve fund ng PhilHealth.
Ayon kay PhilHealth Pres. at CEO Emmanuel Ledesma, Jr., hinihintay lamang nila na maipasa na ang panukala sa senado kaugnay ng pag-amyenda sa Universal Health Care Law na naglalayong ibaba sa 3.25% ang kontribusyon ng isang miyembro ng Philhealth.
Handa aniya ang PhilHealth na ipatupad ang tapyas oras na maipasa na ang sa batas.
Kasunod nito, tiniyak ng Philhealth na nakatuon na ito sa pagpapalawak ng coverage para sa mga pangunahing sakit sa Pilipinas, gaya ng pneumonia, malalang dengue, stroke, sakit sa bato, at iba’t ibang uri ng kanser.
Kasama rito ang panibagong round ng 30-50% increase sa existing rates benefit packages nito bago matapos ang 2024.
Sa taong 2025, target ding palawakin ang tulong para sa mga pasyenteng may lung, liver, ovary and prostate cancer, lalo na ang mga sumasailalim sa chemotherapy.
Siniguro naman ng Philhealth na hindi ito mababankrupt sa kabila ng tuloy tuloy na pagpapalawak ng mga benepisyo para sa mga miyembro nito. | ulat ni Merry Ann Bastasa