Nagpadala ang Philippine Red Cross (PRC) ngayong araw ng mga tauhan at kagamitan sa lalawigan ng Batanes upang tumulong sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Julian.
Kabilang sa mga ipinadala ang 4×4 service vehicle, dalawang generator set, water treatment unit na kayang mag-produce ng 4,500 litro ng malinis na tubig kada oras, at mga radio communication kit.
Inaasahang darating ang mga ito sa Basco sa October 11.
Tiniyak naman ni PRC Chairman Richard Gordon na patuloy na magbibigay ang PRC ng pagkain, malinis na tubig, at iba pang mahahalagang serbisyo sa mga apektadong residente.
Matatandaang isinailalim sa state of calamity ang Batanes matapos manalasa ang Bagyong Julian kung saan umabot sa P813 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura, imprastraktura, at mga kabahayan. Habang mahigit 7,000 indibidwal ang apektado at libo-libong bahay ang nasira. | ulat ni Diane Lear