Tiniyak ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang kahandaan sa pagdating ng isa pang bagyo na paparating sa bansa.
Ito ang tiniyak ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon sa gitna ng nagpapatuloy nilang pagresponde sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Kristine.
Sa katunayan, tinawag ni Gordon ang mga panahong ito bilang “BULAGA SEASON” dahil sa palakas ng palakas ang mga bagyong dumarating na higit pa sa inasahan.
Maliban sa bagyo, binigyang diin pa ni Gordon ang patuloy na pag-aalburoto ng bulkang Mayon kung saan, inaasahan din ang lahar na siyang nakadagdag sa kalbaryo ng mga Bicolano.
Sa ngayon, nakakalat na ang kanilang Humanitarian Caravan sa mga lugar na apektado ng bagyo gayundin ang kanilang water tankers, service vehicles at ambulansya para umalalay.
Mula kahapon, nakapamahagi na rin ang Red Cross ng hot meals sa may 8 libong indibiduwal gayundin ng psychological first aid sa may 460 katao at nakapagsilbi na rin sa may 394 pasyente. | ulat ni Jaymark Dagala