Hindi na nakikita ng Malacañang na magbabago pa ang isip ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kaugnay sa posisyon ng Pilipinas na hindi na ito miyembro ng Rome Statute.
Pahayag ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kasunod ng panawagan na isumite ng Marcos Administration sa ICC ang mga lumulutang na impormasyon mula sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na may kinalaman sa War on Drugs ng nagdaang Administrasyon.
Ang Rome Statute ang tratado na bumuo sa International Criminal Court (ICC) na nais mag-imbestiga sa mga umano’y human rights violation sa ilalim ng War on Drugs ng Duterte Administration.
Pagbibigay diin ni ES Bersamin, hindi na babalik pa ang Pilipinas sa ICC.
Hindi rin aniya nila inaasahang magbabago pa ang pananaw ng Pangulo kaugnay sa usaping ito.
“The Philippines will not return to ICC. Based on this, the president is not expected to change his mind and now refer the quadcom matter to the ICC.” -ES Bersamin.
Kung matatandaan, Marso 2019 nang naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute. | ulat ni Racquel Bayan