Mahigpit na pinaghahandaan ng Office of Civil Defense (OCD) ang posibleng epekto ng Bagyong Leon.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni OCD Administrator Usec. Ariel Nepomuceno na pinaghahandaan ng pamahalaan ang “worst-case scenario” kung saan tinatayang 500,000 pamilya o katumbas ng 2.5 milyong indibidwal ang maaaring maapektuhan.
Kaya naman pinaalalahanan ang mga residente mula sa Northern Luzon hanggang sa Bicol Region, bagama’t ang diameter ng bagyo ayon sa PAGASA ay nasa 640 kilometro.
Sinabi ni Nepomuceno na nauna nang ipinag-utos ni Defense Sec. Gilberto Teodoro ang pagsasagawa ng forced evacuation sa mga lugar na inaasahang mapupuruhan ng Bagyong Leon.
Kailangan din aniyang magpatupad na ang mga lokal na pamahalaan ng preemptive evacuation simula ngayon hanggang bukas para sa seguridad at kaligtasan ng mga residente.
Samantala, magpapadala ang OCD ng mga solar lights at generator sets sa bayan ng Agoncillo, Batangas upang magamit sa mga evacuation centers.
Tututukan din ng OCD ang pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang nawasak ang bahay, at sa mga partially damaged ang mga bahay dahil sa baha at landslide dulot ng Bagyong Kristine.| ulat ni Diane Lear