Napag-alaman na mayroong iba’t ibang klase ng visa ang sinasabing mga Chinese spy na si She Zinjhiang at ang diumano’y handler nito na si Ma Dongli.
Sa pagdinig ng Senado ngayong araw, binahagi ni Senate Committee on Women chairperson Sen. Risa Hontiveros na base sa travel documents ay ilang beses naglabas-pasok sa Pilipinas.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado kabilang sa mga visa na mayroon sina She at Ma ay ang EO 408 visa, special investors visa, ceza visa at 9a visa.
Sa impormasyon rin ni Sen. Sherwin Gatchalian, mula taong 1995 hanggang 2019 ay umabot na sa 37 na beses nakapagbyahe ng Pilipinas si Ma Dongli.
Si She Zhijiang naman ay 21 times nang naka-biyahe ng Pilipinas mula 2011 hangang 2020.
Binigyang diin naman ni Hontiveros na mahalagang makausap ng kanyang kumite si She para direkta itong matanong tungkol sa tunay na pagkatao ni Alice Guo at sa impormasyong sinasabi na isa itong Chinese spy.
Umaasa ang senadora na matutulungan sila ng Department of Foreign Affairs (DFA) para makapanayam si She, na kasalukuyang nakakulong sa bansang Thailand.| ulat ni Nimfa Asuncion