Nakapagtala na ang Department of Agriculture (DA) ng aabot sa ₱36.34 milyong halaga ng pinsala sa sektor ng pagsasaka bunsod ng pananalasa ng Super Typhoon Julian.
Batay sa inilabas na assessment report ng DA-DRRM Operations Center, karamihan sa napinsalang sakahan ay mula Ilocos Region at Cagayan Valley.
Katumbas ito ng higit 500 na ektarya ng agricultural areas o production loss na 1,516 metriko tonelada.
Pinakamalaki ang epekto sa mga taniman ng mais kung saan 368 ektarya ang labis na napinsala habang 191 ektarya ang partially damaged.
Mayroon ding 1,000 mga magsasaka ang naapektuhan ng bagyong Julian.
Habang ongoing ang validation at assessment sa kabuuang pinsala sa agriculture at fisheries sector at patuloy namang inihahanda ng DA ang assistance nito para sa mga apektadong magsasaka.
Kabilang dito ang pamamahagi ng ₱143.26 milyong halaga ng agricultural inputs; Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC), at indemnification sa insured farmers sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC). | ulat ni Merry Ann Bastasa