Ipinahayag ni Senador Joel Villanueva na hindi katanggap-tanggap na mapahintulutang makatakbo muli sa isang posisyon sa gobyerno si dismissed Mayor Alice Guo.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng kompirmasyon mula sa kampo ni Guo na maghahain ito ng Certificate of Candidacy (COC) sa susunod na linggo bilang Mayor ng Bamban, Tarlac.
Ayon kay Villanueva, bagamat walang magagawa ang Commission on Elections (COMELEC) kundi tanggapin ang COC ni Guo bilang bahagi ng kanilang ministerial duty, hindi naman maitatanggi na may nakabinbin pang material misreprestation case laban sa kanya.
Ito ay para sa pagtakbo noon ni Guo bilang Mayor.
Dagdag pa ang ilang mga kasong isinampa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kaugnay ng kanyang totoong pagkakakilanlan.
Giniit ng senador na hindi maitatangging pekeng Pilipino si Guo at na-peke ang ginamit nitong Birth Certificate.
Napatunayan na rin aniya ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa ang fingerprint nina Chinese national na si Guo Hua Ping at ni Alice Guo.
Pagbibigay diin ni Villanueva, isang pagbalahura at pambabastos sa mga batas ng Pilipinas ang ginagawa ni Guo at ng kanyang mga POGO workers. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion