Isinagawa ng mga ahensya ng gobyerno at iba’t ibang organisasyon mula sa komunidad ang makabuluhang tree planting activity o pagtatanim ng puno kamakailan sa deforested area sa bayan ng Maguing, Lanao del Sur.
Ang nasabing aktibidad ay pinangalanang “Plant and Grow for Peace Program-Tree Planting Activity,” na kasama sa paggunita sa ika-pitong anibersaryo ng liberasyon ng Marawi noong taong 2017.
Ang aktibidad na ito ay pinangungunahan ng Provincial Environment and Natural Resources Office sa pamumuno ni Forester Pili M. Papandayan. Ayon sa lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur, ang nasabing inisyatiba ay naglalayong mabigyan muli ng buhay ang deforested area at makahikayat pa lalo sa pagpapanatili ng produksyon sa agrikultura saan mang sulok ng lalawigan.
Inaasahan naman ng lokal na pamahalaan na ang bawat miyembro ng komunidad ay makikisa sa pagtatanim ng mga fruit-bearing trees, katulad ng Durian at Lanzones.
Dagdag pa ng PLGU, hindi lamang ito hakbang upang mapigilan ang iba’t ibang masasamang epekto ng climate change kundi pati na rin upang masiguro ang sapat na supply ng pagkain sa lahat ng panahon.
Nakita naman sa aktibidad na ito ang pagkakaisa ng lahat ng pampublikong tanggapan at organisasyon mula sa pribadong sektor. Labis silang natuwa sa paglahok sa aktibidad. Walang humpay ang pasasalamat ni Forester Papandayan sa ipinakitang kolaborasyon at suporta ng bawat ahensya ng gobyerno at iba’t ibang organisasyon. | ulat ni Alwida Basher | RP1 Iligan