Nakatakdang mag-ikot mamayang hapon si Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil sa iba’t ibang places of convergence sa Metro Manila.
Ito’y bahagi pa rin ng mga paghahanda ng Pulisya para sa inaasahang holiday exodus na may kaugnayan sa paggunita ng Undas bukas, November 1.
Kasama si National Capital Region Police Office Chief, PMGen. Syndey Hernia, ilan sa mga iikutin ng PNP Chief ay ang mga terminal ng bus, pantalan, paliparan, transport hubs, at iba pa.
Unang iikutin nila Marbil at Hernia ang Cubao Bus Terminal, Port of Manila, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), at Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Una rito, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo na wala namang namo-monitor na seryosong banta sa seguridad ang PNP.
Subalit paiigtingin pa rin ng may 21,000 tauhan nito sa buong bansa ang kanilang presensya habang nakataas ang heightened alert status kaugnay ng okasyon. | ulat ni Jaymark Dagala