Nais iparepaso ni Senador Loren Legarda ang alituntunin sa pagtanggap ng Pilipinas ng mga dayuhang retirees na mananatili sa bansa.
Sa naging pagdinig ng panukalang 2025 Budget ng Department of Tourism (DOT), kung saan attached agency ang Philippine Retirement Agency (PRA), natanong ni Legarda ang requirement para sa mga dayuhang gustong mag-retire sa Pilipinas.
Ayon sa PRA, $20,000 dollars o katumbas ng ₱1.15 million pesos lang ang kailangan nilang ideposito sa mga accredited banks ng bansa.
kung nasa $800-$1,200 US dollars naman ang pension ng mga ito, nasa $10,000 USD lang ang kailangang i-deposit.
Habang kung dati naman silang Filipino citizen o opisyal ng isang multinational organization, $1,500 dollars lang ang kailangan.
Kapag nagawa nila ito ay maaari na silang manatili at maglabas-pasok sa Pilipinas hanggang kailan nila gusto.
Pero ayon kay Legarda, kailangang rebyuhin ang mga requirements na ito dahil para sa kanya ay hindi na ito updated.
Hindi na aniya nakakapagtaka na madaming sindikato sa Pilipinas dahil sa mababa ang requirements.
Tiniyak naman ng DOT na binabalanse nila ang paghihikayat ng mga foreign retirees at ang foreign policy ng bansa.
Tiniyak rin ng PRA na tuwing tumatanggap sila ng mga bagong aplikante ay chine-check nila ito sa interpol database at hinihingan rin nila ng Police Clearance mula sa bansang panggagalingan ng mga retirees.
Sa ngayon, nasa 58,000 ang mga foreign retirees na nasa Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion