Nangangamba si Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gacthalian na maaaring natututo na ang mga Pilipino sa scamming activities na ginagawa sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO).
Sinabi ito ng senador kasunod ng huling naging raid sa isang POGO hub sa Pasay City, malapit sa senado, kung saan halos 1/3 ng mga empleyadong nahuli ay mga Pilipino.
Ayon kay Gatchalian, ikinakatakot niyang baka pati ang mga kababayan natin ay natuto at nahalina na ng malaking kita na nakita nila sa pangii-scam sa POGO operation.
Dahil dito, nanawagan ang mambabatas sa mga otoridad na imbestigahang mabuti ang anggulong ito at kasuhan ang mga Pilipinong nasasangkot sa ganitong mga aktibidad.
Aniya, hindi porket Pilipino ay makakawala na sila sa paggawa ng scamming activities.
Bagamat sinasabi ng mga nahuhuling Pilipino na biktima lang sila, giniit ng senador na alam ng mga ito ang kanilang ginagawa na panloloko at hindi ito pwedeng palampasin.
Nais rin ni Gatchalian, na matutukan sa imbestigasyon ng Senado ang usaping ito. | ulat ni Nimfa Asuncion