Nakahanda na ang Philippine Red Cross (PRC) para sa posibleng epekto ng Bagyong Kristine na pinangangambahang maging super typhoon.
Ayon sa PRC, nakahanda na ang kanilang mahigit 2 milyong volunteers sa buong bansa, gayundin ang kanilang mga kagamitan tulad ng rescue vehicles, food trucks, water tankers, at ambulansya na ide-deploy sa mga kamunidad.
Nagtayo na rin ng welfare desk sa Negros Occidental, at maglalagay ng first aid stations at health desks sa mga apektadong lugar.
Nagpaalala rin sa publiko si PRC Secretary-General Dr. Gwen Pang na mainam na ihanda na ang “Go Bag” na may mga pangunahing gamit tulad ng damit, gamot, at pagkain na tatagal ng tatlong araw.
Kung sakaling kailanganin ng tulong o rescue at iba pang emergency concerns, maaaring tumawag ang publiko sa PRC hotline 143. | ulat ni Diane Lear