Pinaigting pa ng China ang presensya nito sa mga katubigang sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) ilang araw matapos ang ginawang pagbangga at water cannon ng China Coast Guard sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc nitong weekend.
Batay sa monitoring ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nasa 34 na ang namataang barko ng People’s Liberation Army Navy ng China partikular na sa mga bahura ng Ayungin, Sabina, at Bajo de Masinloc.
Para ito sa panahon ng October 7 hanggang October 13 na mas mataas kumpara sa 28 noong September 30 hanggang October 6.
Una nang kinuwesyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang sinseridad ng China sa pakikipagdayalogo nito para maayos ang gusot sa naturang karagatan sa pamamagitan ng pagbuo ng Code of Conduct.
Pero ayon sa AFP, ang pinaigting na presensya ng China sa West Philippine Sea ay tahasang pagbalewala sa panalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration noong 2016 at malinaw na paglabag sa soberanya ng bansa.
Kaya naman patuloy ang pangako ng AFP na ipagpapatuloy nito ang kanilang pagsusumikap na i-modernisa ang kanilang hanay upang mapalakas ang kanilang kakayahang pangdepensa. | ulat ni Jaymark Dagala