Bumaba ang presyo ng ilang pangunahing bilihin sa bansa partikular ng agricultural commodities sa unang bahagi ng Oktubre batay yan sa pinakahuling monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, na-monitor ang pagbaba ng presyo ng bigas partikular ang special rice na mula sa ₱64.17 kada kilo noong Setyembre ay nasa ₱63.88 kada kilo sa unang bahagi ng Oktubre.
Nasa tatlong piso naman ang ibinaba sa presyo ng luya na mabibili na lang sa ₱187.78 kada kilo mula sa dating presyo na ₱191.16 kada kilo.
Sa kabilang banda, na-monitor naman ng PSA ang pagtaas sa presyo ng itlog, talong, at pati na ang galunggong.
Bahagyang tumaas sa ₱9.18 kada piraso ang average retail price para sa medium-sized na itlog mula sa ₱9.07 kada piraso sa second phase ng Setyembre.
Nasa apat na piso ang itinaas sa presyo ng galunggong na nasa ₱215.32 kada kilo mula sa dating presyo na ₱211.09 kada kilo.
Tumaas rin sa ₱96.96 ang retail price ng kada kilo ng talong, mula sa ₱86.05 sa ikalawang phase ng Setyembre. | ulat ni Merry Ann Bastasa