Target ng Department of Agriculture na mapababa ang presyo ng bigas sa P45 pagdating ng Enero ng susunod na taon.
Sinabi yan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa naging pagdinig ng senado sa panukalang 2025 budget ng ahensya.
Ayon kay Laurel, nag usap na sila ng National Food Authority (NFA) at sa susunod na linggo ay balak nilang ibaba ang buying price ng palay sa P23 mula sa kasalukuyang P26 to P27.
Sa pamamagitan aniya nito ay mapapababa ang presyo ng bigas sa merkado sa P45.
Pero nilinaw ng kalihim na kailangan muna nilang kausapin ang mga magsasaka para hindi naman sila magulat sa magiging adjustment na ito.
Sa ngayon, sinabi ni Laurel na nagsisimula nang magbenta ang mga kadiwa stores ng bigas sa P45 per kilo at balak pa nila itong ibaba sa P43 pesos per kilo.
Target ng ahensya na ipatupad ito sa 169 outlets hanggang sa katapusan ng Disyembre. | ulat ni Nimfa Asuncion