Naglalaro sa ₱5 hanggang ₱10 ang itinaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin sa Agora Public Market sa San Juan City.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nakitaan ng bahagyang pagtaas ang presyo ng ilang highland vegetable gaya ng carrots na nasa ₱110 na ngayon ang kada kilo.
Gayundin ang repolyo at pechay-Baguio na kapwa tumaas din ang presyo na ngayon ay nasa ₱70 na ang kada kilo mula sa dating ₱50 hanggang ₱60.
Nananatili namang mahal ang presyo ng bawang na nasa ₱150 ang kada kilo gayundin ang sibuyas na nasa ₱100 ang kada kilo at ang talong na nasa ₱80 ang kada kilo.
Pero ang good news, mura pa rin ang kamatis kahit gumalaw din ang presyo nito sa ₱70 ang kada kilo mula sa dating ₱60 ang kada kilo.
Sa karne naman, bumaba ang presyo ng manok na nasa ₱210 ang whole dressed chicken habang ₱230 ang kada kilo ng choice cuts.
May kataasan pa rin ang presyo ng karne ng baboy na nasa ₱320 ang kada kilo ng kasim habang ₱360 naman ang kada kilo ng liempo.
Ang baka, nananatiling mahal na nasa ₱450 ang kada kilo habang sa isda, ang galunggong ay nasa ₱200 hanggang ₱250 kada kilo.
Bangus ay nasa ₱190 hanggang ₱220 ang kada kilo depende sa laki, maging sa tilapia na naglalaro sa ₱120 hanggang ₱130 ang kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala