Presyo ng ilang pangunahing bilihin sa Pasig Mega Market, bahagyang tumaas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Ramdam agad ang epektong dulot ng bagyong Julian sa presyo ng ilang pangunahing bilihin sa Pasig City Mega Market ngayong Lunes.

Ito’y ilang araw matapos itong manalasa sa hilagang bahagi ng Luzon kabilang na ang Cordillera Administrative Region kung saan nagmumula ang karamihan sa mga gulay gayundin sa CALABARZON kung saan naman nagmumula ang ilang karne.

Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, tumaas ng ₱5 hanggang ₱20 ang presyo ng ilang pangunahing bilihin gaya ng manok at gulay.

Ang whole dressed chicken ay nagkakahalaga ng ₱215 mula sa dating ₱200 ang kada kilo, habang ang choice cuts naman ay nasa ₱230 mula sa dating ₱220 ang kada kilo.

Sa baboy naman, nasa ₱320 na ang kada kilo ng kasim mula sa dating ₱310 habang ang liempo naman ay bumaba sa ₱360 mula sa dating ₱370 ang kada kilo.

Bahagya ring tumaas ang presyo ng isda gaya ng galunggong na nasa ₱200 hanggang ₱250 na ang kada kilo; bangus na nasa ₱190 hanggang ₱200 ang kada kilo at tilapia na nasa ₱120 hanggang ₱130 ang kada kilo depende sa laki.

Nananatili namang mataas ang presyo ng bawang na nadagdagan din ang presyo na nasa ₱150 na ngayon ang kada kilo mula sa dating ₱140; sibuyas na nananatili sa ₱100 ang kada kilo.

Nagmahal din ang presyo ng kamatis a nasa ₱70 na ngayon ang kada kilo mula sa dating ₱50 gayundin ang repolyo at pechay Baguio.

Tumaas din sa ₱100 ang kada kilo ng patatas gayundin ang carrots habang nananatiling mura ang presyo ng sayote na nasa ₱60 ang kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us