Umaasa ang mga maggugulay sa Marikina Public Market na magtutuloy-tuloy na ang matatag na presyuhan ng sibuyas hanggang sa Pasko kung kailan kaliwa’t kanan ang mga handaan.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nananatili sa ₱100 ang kada kilo ng pulang sibuyas kung saan, maaaring maglaro sa ₱80 hanggang ₱120 ang presyuhan nito depende sa kalidad. Habang nakapako naman sa ₱120 ang kada kilo ng putng sibuyas.
Tiniyak ng Bureau of Plant Industry (BPI) na sapat ang suplay ng sibuyas sa bansa sa paparating na Holiday Season.
Ito’y dahil sa aabot sa 16,000 metriko toneladang sibuyas ang pinayagang angkatin hanggang Disyembre habang sa Enero ng susunod na taon naman magsisimula ang anihan nito.
Kamakailan lang, nasabat ng pinagsanib na puwersa ng BPI at Bureau of Customs (BOC) ang nas ₱3.5 milyong halaga ng imported na yellow onions sa Manila South Harbor dahil sa kawalan ng import permit.
Sinabi ng BPI na nagmula sa China ang nasa 25,000 kilo ng sibuyas na dumating sa bansa nitong Hulyo, panahon kung kailan naman suspendido ang pagpapalabas ng permit para sa pag-aangkat nito. | ulat ni Jaymark Dagala