Pinapurihan ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil ang Police Regional Office-3 o Central Luzon Police dahil sa mabilis na paglutas sa kaso ng pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa Pampanga
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Marbil ang kanilang pangako na protektahan ang publiko at tiyakin ang katarungan para sa lahat ng biktima ng karahasan.
Magugunitang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga suspek na sakay ng motorsiklo ang mag-asawang Lulu sa bayan ng Mexico noong October 4.
Naaresto ang tatlong suspek, kabilang ang sinasabing mastermind, habang apat na iba pa ang kasalukuyang pinaghahanap.
Nabatid na may utang na ₱13 milyon ang mastermind sa mga biktima, na siyang itinuturing na motibo sa krimen.
Sinasabing kumuha ng hitman ang mastermind sa halagang ₱900,000 upang patayin ang mag-asawa at nakawin ang mga mahahalagang bagay mula sa kanilang tahanan.
Nahaharap sa kasong double murder ang mga suspek habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang indibidwal na maaaring may kaugnayan sa kaso. | ulat ni Jaymark Dagala