Pinaiimbestigahan na ng Lokal na Pamahalaan ng Quezon City ang umano’y pangmomolestiya ng isang principal sa ilang menor de edad na estudyante.
Sa pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, sinabi nitong hindi kailanman kukunsintihin ng kanyang administrasyon ang ganitong karumal-dumal na gawain.
Tiniyak ni Mayor Belmonte na magkakaroon ng masusing imbestigasyon ang awtoridad sa kasong ito, at handa ang lokal na pamahalaan na magbigay ng legal na tulong sa mga biktima upang matiyak na mapapanagot ang akusado.
Kaugnay nito, nanawagan din si Belmonte sa iba pang posibleng biktima na huwag matakot na lumantad at magsumbong sa kinauukulan upang makamit ang hustisya.
Samantala, pinaalalahanan din ng alkalde ang lahat ng guro at opisyal ng paaralan na tungkulin nilang siguruhin ang kaligtasan ng mga mag-aaral habang nasa kanilang pangangalaga. | ulat ni Diane Lear